Napatay sa bugbog ang isang lalaki sa Mangatarem, Pangasinan matapos na mahuli raw sa akto na nakikipagtalik sa isang ginang. Ang nakapatay sa kaniya, ang mister at mga anak ng babae.

Ayon sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing magsasaka ang biktima na 40 na taong gulang.

Kuwento ng amang suspek, matagal na raw nilang naririnig na kalaguyo ng kaniyang misis ang biktima. Pero hindi raw sila naniniwala dahil wala silang makitang ebidensiya.

Hanggang sa naaktuhan umano ng mister na nagtatalik sa sala ng kanilang bahay ang biktima at ang kaniyang misis.

Nagdilim na raw ang kaniyang paningin kaya binugbog ang biktima. Nakisali na rin daw ang dalawang anak na lalaki ng suspek.

Ayon sa pulisya, itinali ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo na dahilan ng pagkamatay nito.

Ang ama ng biktima, nanawagan naman ng hustisya para sa namatay na anak.

Kung nakagawa man umano ng kasalanan ang kaniyang anak, dapat daw isinumbong na lang ito sa awtoridad at hindi pinatay.

Inihahanda na ang kasong isasampa sa mag-aamang suspek na nakakulong ngayon.

Hindi naman malaman ang kinaroroonan ng ginang para makuha ang kaniyang pahayag, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News