Nauwi sa trahediya ang masayang picnic at paliligo ng isang grupo sa Tinubdan Falls sa Catmon, Cebu nang biglang magkaroon ng malakas na agos ng tubig na may kasamang putik.

Sa ulat ng GMA Regional News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo dakong 1:00 pm sa Barangay Tabili, Catmon.

Sa video ni Carlos Dolendo, makikita na sinubukan ng mga kasamahan ang isang lalaki na na-trap sa gitna nang rumaragasang tubig.

Pero nabigo silang mailigtas ang lalaki na kinilalang si Kent Jude Monterola, 17-anyos.

Nakita ang mga labi ni Monterola kinagabihan din ng Linggo, ilang oras matapos mangyari ang trahediya.

Patuloy naman na pinaghahanap ang mag-inang sina Jacel Alastra, 32, at anak niyang si Princess, 7, na tinangay din ng tubig.

Hinihinalang nagkaroon ng malakas na pag-ulan sa ibabaw ng kabundukan na nagdulot ng pagragasa ng tubig na may putik sa talon. --FRJ, GMA News