May nakikitang kapabayaan ang hepe ng Cabanatuan police sa dalawa niyang tauhang pulis sa nangyaring pagtalon mula sa police car ng tatlong kabataan na unang sinita dahil sa paglabag sa curfew, na nauwi sa trahediya at ikinamatay ng isa.
Sa ulat ni Marjorie Padua sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nasawi sa pagtalon mula sa police mobile ang isang 17-anyos na lalaki, residente ng barangay San Juan Accfa.
Sugatan naman ang kapatid niyang 18-anyos, at kaanak nilang babae na 18-anyos din.
Sa inilabas na ulat ng Cabanatuan police station, makikita sa kuha ng CCTV camera na nadaanan ng dalawang pulis na sakay ng police mobile ang tatlo sa kanto ng Maharlika highway at Barangay Heneral Luna.
Makikita rin sa CCTV na tila kinausap ng mga pulis ang tatlo at kasunod nito ay kusa silang sumakay sa likod ng mobile.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Julius Ceasar Manucdoc, OIC-Cabanatuan City Police Station, hindi talaga nilalagyan ng posas ang mga sinisita dahil sa paglabag sa ordinansa ng curfew.
Karaniwan lang umano na dinala sa police station ang mga nahuhuling lumabag sa curfew para kunan lang ng impormasyon.
"Pagdating nga po nila [pulis] sa istasyon, nakita nila na wala na yung mga sakay nila sa likod. So may nag-report agad dito na mayroong tatlong nakahandusay sa kalye," ayon kay Manucdoc.
Nakuhanan din ng CCTV ang mobile car na kumanan sa crossing ng circumferential road na patungo sa police station. Pero bago pa makarating sa himpilan ng pulisya, doon na raw tumalon ang tatlo.
Sinabi ni Laut Saripada, ama ng magkapatid na biktima, na sinabihan daw ang tatlo na ihahatid sila ng mga pulis sa kanilang uuwian.
"Sabi raw ng mga pulis sumakay na kayo at ihahatid na lang namin kayo," ani Saripada.
Pero nang dumating na raw sa dapat na babaan, pumara raw ang tatlo pero parang hindi raw narinig ng mga pulis at humarurot pa.
Nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kaanak ng tatlo na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanila.
Tumanggi muna ang pulisya na pangalanan ang dalawang pulis na sangkot sa insidente na sumasailalim sa imbestigasyon
Tiniyak naman ni Manucdoc na hindi nila kokonsintihin ng mga tauhan kung may nagawang pagkakamali.
Ang isa sa nakikita niyang kapabayaan ng dalawang pulis ay walang isa sa kanila na sumama sa tatlong kabataan sa likod ng sasakyan. --FRJ, GMA News