Patay ang isang rider matapos makabanggaan ang isa ring rider na nakainom umano sa Bangued, Abra. Ayon sa pulisya, wala sa "right of way" ang nakaligtas na rider na minor injury lang ang tinamo.

Sa ulat ni Trace Dela Leon sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jonas Don Mark Benedito.

Nasa kostudiya naman ng mga pulis ang nakabanggaan niyang rider na si Eric Buenafe.

Binabagtas ni Benedito ang Santiago St sa Zone 4 nang biglang sumulpot sa kabilang kalye si Buenafe, at nangyari ang banggaan.

Ayon kay Lieutenant Michael Desalla, chief investigator, Bangued Police Station,  dapat nagmenor si Buenafe dahil hindi siya ang nasa "right of way."

Walang tinamong sugat si Benedito pero hinihinala ng mga kaanak na posibeng nagkaroon ng internal bleeding ang biktima.

Samantalang minor injury lang ang tinamo ni Buenafe, na aminado umano na nakainom ng alak nang mangyari ang insidente.

Humihingi siya ng patawad sa pamilya ng biktima.

Gayunman, desidido ang pamilya ni Benedito na ituloy ang demanda.

Ayon sa ama ni Benedito, mabait, magaling na mekaniko at magaling na rider ang kaniyang anak na hindi nadidisgrasya kahit maraming endurance na ang tinapos.

"Pero sa isang hindi makatungan na pagmamaneho ang pumatay sa kaniya," hinanakit ni Johassan, ama ng biktima.

--FRJ, GMA News