Nasawi ang isang ginang at anak niyang tatlong-taong-gulang matapos na barilin umano sila ng kanilang padre de pamilya na isang pulis sa Virac, Catanduanes.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Linggo, sinabing nakasaad sa imbestigasyon ng pulisya na lasing umano na umuwi sa kanilang bahay ang pulis nitong Sabado sa Barangay Hawan Ilaya.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-asawa hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at binaril ang kaniyang misis.

Tinamaan din ng bala ang kanilang batang anak.

Matapos na barilin ang kaniyang mag-ina, nagbaril din umano sa sarili ang pulis.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad bagaman selos ang isa sa nakikitang motibo sa ugat ng trahediya.--FRJ, GMA News