Mura at masasakit na salita ang inabot ng dalawang pulis sa isang lalaki na umano'y lasing na unang inaresto at dinala sa presinto matapos ireklamo na nagwawala sa Naga City, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jessie Crusat sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita sa kuha ng video ang lalaki na dinuduro-duro pa ang pulis kahit nasa loob na siya ng Naga City Police Station 3 sa Barangay Penafrancia.

May pagkakataon pa na ibinaba ng lalaki ang face mask ng isang pulis at saka niya muling pinagsisigawan.

Ayon kay Police Major Miguel Nool III, station commander ng NCPO-Station 3, inaresto ang lalaki matapos silang makatanggap ng sumbong na nagwawala ito at may sasakyan na sinusuntok.

Nang dumating ang mga pulis sa lugar, nagpakilala raw ito na miyembro ng Philippine Army, at mayroon daw siyang license to own and possess firearms.

Gusto pa raw ng lalaki na pumunta sa sasakyan pero pinigilan na siya ng mga pulis dahil sa pangamba na baka may hindi pa magandang mangyari.

Dinala na lang sa presinto ang lalaki at saka nangyari ang paninigaw niya sa mga pulis na nananatili lamang kalmado.

Ikinatuwa ni Nool ang ginawang pagpapatupad ng maximum tolerance ng kaniyang mga pulis.

"Inalala na lang niya yung training sa PNP na maximum tolerance. Ganun talaga, kahit sabihin ng mga tao na bakit hindi pa pinatulan, for the public [awareness] 'yon po talaga yung training sa aming mga pulis," paliwanag ng opisyal.

Sinampahan na ng patong-patong na reklamo sa piskalya ang lalaki katulad alarm and scandal, resistance and disobedience to a person in authority, usurpation of authority at iba pa.

Napag-alaman na pansamantalang nakalaya ang lalaki matapos magpiyansa. Humingi na raw ito ng pasensiya sa mga pulis dahil sa kaniyang ginawa.

--FRJ, GMA News