Nasawi ang isang padre de pamilya sa Santa, Ilocos Sur na hinihinalang natuklaw ng ahas habang nanghuhuli ng salagubang malapit sa kanilang bahay.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Wilmer Bajog, 54-anyos, residente ng Barangay Banaoang.

Ayon sa asawa ng biktima na si Lelane, magkakasama silang nanghuhuli ng salagubang sa madamong bahagi ng ilog sa likod lang ng kanilang bahay.

Unang inakala ng pamilya nakauwi na si Wilmer pero nang hindi nila ito nakita ay hinanap nila. Kinalaunan ay nakita nilang nakahandusay sa damuhan ang biktima.

Noong una, inakala nilang inatake si Wilmer pero napansin na mayroon siyang dalawang maliit na sugat na tila tuklaw ng ahas sa noo.

Dinala sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay.

Ayon sa ulat, sinabi umano ng mga kaanak ng nasawi na walang death certificate na inilabas ang ospital pero malaki ang hinala nila na tuklaw ng ahas ang kaniyang ikinamatay.--FRJ, GMA News