Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa parking lot ng isang palengke sa Cavite. Nag-ugat daw ang krimen nang bawiin ng biktima ang kaanak nitong babae na itinanan umano ng suspek.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Saiden Emam Paino, stall owner sa palengke ng Imus.

Nakatakas naman ang suspek na si Badro Sidik Saripada, na stall owner din sa naturang palengke.

Sa kuha ng CCTV camera sa pinangyarihan ng krimen, makikita ang biktima na pumunta sa nakaparada niyang van.

Bigla namang sumulpot ang suspek at doon na umano dalawang beses na binaril sa likod ni Saripada si Paino.

Ayon kay Police Leiutenant Colonel Jun Alamo, hepe ng Imus police, nag-ugnat ang krimen nang bawiin ng biktima ang kaanak nito na nobya at itinanan umano ng suspek.

"Yung babae kinuha nila (panig ng biktima) parang binawi. Sa pagkakataong 'yon, nagkaroon ng konting away, bugbugan," sabi ni Alamo.

Sinabi ni Alamo na murder ang ikakaso sa suspek dahil pinagplanuhan umano nito ang pagpatay sa biktima.

"Kasi dalawang beses niya nang hinanap 'yang tao na 'yan according dun sa witness," dagdag pa ni Alamo na humingi rin ng tulong sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang suspek.--FRJ, GMA News