Patay ang tatlong mag-iina sa salpukan ng tricycle at jeep sa San Miguel, Bulacan nitong Miyerkules ng hapon.

Sa ulat ni  Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Buliran sa bayan ng San Miguel.

Labis na nagdadalamhati si Jonathan Maniquis ang asawa ng biktimang si Monica, at ama ng dalawang nasawing bata na sina Miguel at AJ.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, pasado ala-una ng hapon nangyari ang aksidente.

Ayon kay Jonathan, nasa trabaho siya nang malaman ang sinapit ng kanyang pamilya.

Unang nasawi ang dalawang bata at ang kanilang ina ay nadala pa umano sa ospital sa Cabanatuan at doon na siya binawian ng buhay.

May walong buwang gulang na anak na naiwan si Monica.

Batay sa paunang imbestigasyon, papunta raw sana ang mga biktima sa health center para magpabakuna bilang paghahanda sa darating na pasukan.

Kwento ng mga nakasaksi, binabagtas ng tricycle na sinasakyan ng mga biktima ang kalsada sa Barangay Buliran nang bigla umanong may mag-overtake na pickup vehicle.

Nahagip daw ang tricycle kaya napakabig ito at nabangga naman sa kasalubong na delivery jeep.

Nasa kustodiya na ng mga pulis ang driver ng jeep na tumangging magbigay ng pahayag sa media. –LBG, GMA News