Isa ang patay sa rambulan ng dalawang grupo ng kalalakihan sa isang bar sa Cagayan De Oro City.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News Nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Avelino John Majorinos, 28-anyos, ng Opol, Misamis Oriental.

Nasawi ang biktima dahil sa tama ng bala ng baril na nangyari noong Sabado sa isang bar sa Corrales St, dakong 1:00 am.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula umano ang gulo nang masagi ng grupo ng biktima ang umbrella tent ng kabilang grupo at natapunan ng tubig.

Natigil na umano ang gulo at papunta na sa sasakyan ang grupo ng mga suspek. Pero sumunod umano ang biktima at sinuntok ang isa mga nakalaban nila.

Doon na binaril ang biktima na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ayon sa pulisya, natukoy na ang pagkakakilan ng mga suspek na mga taga-Lanao del Sur, at sasampahan sila ng kaukulang kaso.--FRJ, GMA News