Pito katao ang nasawi, habang isa pa ang nawawala matapos bumagsak ang isang lumang tulay sa Dasmariñas City, Cavite nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya sa Sitio Talisayan sa Barangay Sampaloc IV dakong 9 p.m. nitong Martes.

Ayon kay Dasmariñas Mayor Jennifer Bargaza, 13 kabataan umano ang nasa ibabaw ng tulay nang bumagsak ito.

Hindi na raw ipinapagamit ang naturang tulay dahil sa kalumaan, sabi ni Bargaza.

Sa naunang ulat ni  Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Edgardo Alfon, tiyuhin ng isa sa mga biktima, tambayan ng mga kabataan sa lugar ang naturang tulay.

Patuloy naman ang search and rescue operations sa nawawalang menor de edad na biktima. --FRJ, GMA News