Umakyat na sa walo katao ang nasawi sa pagguho ng isang lumang tulay na ginagawang tambayan ng mga kabataan sa Dasmariñas City, Cavite, makaraang makita na ang bangkay ng nawawalang menor de edad na lalaki.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni PNP Dasmariñas Chief Police Leiutenant Colonel Juan Uruga, na dakong 4:49 pm kanina nang makita ang bangkay ng huling nawawalang biktima.

“‘Yung mga barangay officials 'di nagkukulang ng paalala at pagsaway sa mga kabataan na tumatambay sa lugar na ‘yon. Matagal na po, 2014 pa lang hindi na pinatatambayan. Pinapipigilan po ng LGU (local government unit),” ayon kay Uruga.

“Sa katigasan ng ulo ng ilang kabataan, ginagawang tambayan. Ginawan na ng paraan na maharangan, binakuran na rin po. Noong araw na 'yon, sinaway din ng mga barangay. Pag-alis ng mga barangay, bumalik at nag-Tiktok,” patuloy niya.

Batay sa naunang impormasyon, 13 katao umano, karamihan ay kabataan, ang nasa tulay nang bigla itong bumigay. Lima ang nakaligtas.

Ayon kay Uruga, nakuha na ang mga labi ng lahat ng nasawi at wala na silang hinahanap.

Nag-alok naman ang lokal na pamahalaan ng tulong sa mga pamilya ng mga biktima. --FRJ, GMA News