Dalawa ang patay, at isa ang kritikal matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa San Juan, Ilocos Sur. Ang ugat ng trahedya, ang pag-overtake umano ng isang motorsiklo sa isang truck. Ang driver ng truck, nakadetine sa police station.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Barangay Baliw.
Ayon sa pulisya, nag-overtake ang isang motorsiklo sa isang truck. Pero nagkataong may paparating na isa pang motorsiklo sa kabilang linya ng highway na dahilan ng kanilang salpukan.
Tumilapon at nasawi ang angkas ng isang motorsiklo na nahagip din ng truck. Kritikal naman ang lagay ng kaniyang rider.
Habang ang isang pang rider, nasawi rin.
Sinabi ng pulisya na "blind curve" ang bahagi ng highway kaya maaaring hindi napansin ng nag-overtake na rider ang paparating na motorsiklo.
Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng truck, habang wala pang pahayag ang mga kaanak ng mga nasangkot sa sakuna, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News