Nasawi ang isang 26-anyos na rider nang sumalpok ang minemaneho niyang motorsiklo sa isang truck sa Batangas City. Ang biktima, may dala umanong helmet pero hindi niya suot.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa bypass road sa Barangay Balagtas kaninang 2:30 am.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing mabilis ang takbo ng motorsiklo nang sumalpok ito sa truck.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Ayon sa pulisya, may dalang helmet ang rider subalit hindi niya umano ito suot.

Kaya paalala ng mga awtoridad, laging magsuot ng protective gear kapag nagmamaneho upang magkaroon ng proteksyon sa katawan at ulo sakaling maaksidente.

Idinagdag ng pulisya na nag-uusap na ang pamilya ng biktima at ang driver ng truck para sa posibleng kasunduan para hindi na humantong sa pagsasampa ng kaso ang nangyaring insidente.

Sinusubukan pa na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at ang driver ng truck, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News