Patay sa pananaksak ang isang lalaki ilang saglit matapos siyang bumaba sa kaniyang motorsiklo sa Bantay, Ilocos Sur. Ang motorsiklo ng biktima, tinangay ng suspek.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV ang biktima na si Pedro Corpuz, magsasaka, na dumating sakay ng kaniyang motorsiklo sa Barangay Sagpat.

Tumigil siya sa gitna ng kalsada at bumaba mula sa kaniyang motorsiklo. Maya-maya lang, dumating ang tatlong lalaki na tila sasalubungin ng biktima.

Pero isa sa mga dumating na lalaki ang sumugod kay Corpuz at pinagsaksak na ang biktima. Sinubukan naman ng mga kasama nito na awatin siya.

Matapos ang pananaksak, tinangay ng suspek ang motorsiklo ng biktima.

Ayon sa ina ni Corpuz, ilang beses na nagpaikot-ikot sa tapat ng kanilang bahay ang suspek na hindi pinangalanan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen ay nag-inuman pa ang suspek at biktima, pero nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.

Mismong ang pamilya na rin ng suspek ang nagsuko sa kaniya sa pulisya. Naibalik din ang motorsiklo ng biktima.

Nahaharap sa kasong muder ang suspek na hindi na nagbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News