Halagang P900, na katumbas ng dalawang araw na kita ang nawala sa isang matandang vendor nang may bumili sa kaniya ng facemask sa halagang P100 at pekeng P1,000 ang ibinayad sa Cebu.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing maagang nag-empeke ng paninda nang araw mabiktima ng manloloko si Amantar Sabdullah, 68-anyos, para magtungo sa barangay upang isumbong ang insidente at isuko ang pekeng pera.

Malabo na raw ang mga mata ni Sabdullah kaya hirap na siyang matukoy sa pamamagitan ng pagtingin ang peke at tunay na pera.

“May bumili sa kanya ng dalawang pack ng mask worth P100, tapos ang pera niya [na ibinayad]P1,000,” kuwento ni Aisah Sabdullah, anak ng biktima.

Nang tanungin kung papaano nalaman ng kaniyang ama na peke ang pera, sabi ni Aisha, “May nakakakitang babae sa lalaki na bumili ng mask tapos pinuntahan niya tatay ko. Sabi niya, ‘Puwede ko ba makita ‘yung pinambili ng lalaki?’”

“Pinakita ng tatay ko tapos sabi nu’ng babae, ‘Ay tay, peke naman ito,’” ani Aisha.

Labis ang panghihinayang ng biktima dahil sa tunay na P900 ang kaniyang isinukli na katumbas na ng dalawang araw niyang kita.

“Hindi niya po napansin kasi bago daw eh. Hindi niya na-klaro kasi malabo nga paningin niya. At saka excited siya kasi nakabenta siya eh,” paliwanag ni Aisah.

Dahil sa insidente, sinabi ni Aisah na nagka-trauma ang kaniyang ama at ayaw nang tumanggap ng bayad na buong P1,000 at P500. --FRJ, GMA News