Patay ang isang mag-asawa matapos silang masabugan ng granada sa loob ng kanilang bahay sa Gamu, Isabela. Pero bago ang insidente, narinig umanong nagtatalo ang dalawa.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa bahay ng mga biktima sa Purok 7, Barangay District 3.

Ayon kay Police Major Ricson Cabatuatan, hepe ng Gamu Police Station, nagtamo ng matitinding sugat sa katawan ang mag-asawa na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

"Talagang nasa gitnang pareho [yung granada] kaya grabe yung injury na natamo nilang dalawa," saad ni Cabatuatan.

Makikita na nagkalat ang mga gamit sa loob ng bahay ng mag-asawa at nakabutas-butas din ang bubungan ng bahay na yari sa yero.

Ayon sa pulisya, una silang nakatanggap ng impormasyon na may narinig na pagsabog sa bahay ng mag-asawa.

Pero bago ang pagsabog, narinig umano na nagtatalo sa loob ng bahay ang mga biktima.

"Sa initial investigation, dahil sa sobrang pag-aaway nila, nag-agawan sila sa granada. Ang suspek namin ay yung lalaki ang may hawak pero hindi namin ma-determine dahil walang ibang witness," sabi ni Cabatuatan.

Inaalam pa ng pulisya kung saan galing o paano nagkaroon ng granada sa bahay.

Ayon sa ulat, sinisikap pa na makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng mag-asawa.--FRJ, GMA Integrated News