Tatlo katao ang nasawi, habang malubhang nasugatan ang isa pa nang magbanggaan ang isang motorsiklo at isang tricycle sa Mariveles, Bataan.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Roman highway.

Ayon sa pulisya, papaliko ang tricycle na may sakay na tatlong tao, at papasok sa isang subdibisyon nang salpukin ito ng motorsiklo na mabilis umano ang takbo.

"On the spot patay yung driver at saka yung backrider doon sa tricycle. Tapos yung driver nung motorcycle, patay din siya," ayon Police Lieutenant Colonel Joelito Orias, hepe ng Mariveles police station.

Malubha namang nasugatan ang isa pang sakay ng tricycle.

Sa pagtatanong umano ng pulisya sa nakausap ng rider bago ang insidente, hindi naman daw ito nakainom pero ite-test daw nito ang bilis ng motorsiklo. --FRJ, GMA Integrated News