Emosyonal ang mga magulang ng babaeng college student na pinatay sa saksak sa loob ng isang dormitoryo sa Cavite, nang malaman nila na nadakip na ang suspek sa krimen.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, kinilala ang nadakip na suspek na si Angelito Erlano, 39-anyos.

Nadakip si Erlano nitong Sabado sa bahay ng isa niyang kaibigan sa Barangay Victoria Reyes sa DasmariƱas City.

Ayon sa pulisya, itinanggi ng suspek na pinagsamantalahan niya ang biktima.

Lango rin umano sa ilegal na droga si Erlano nang pasukin nito sa dormitoryo at pagsasaksakin ang biktimang si Queen Leanne Daguinsin, 24-anyos.

Napag-alaman din sa pulisya na may kinakaharap na dalawang kaso tungkol sa pagnanakaw si Erlano at nakalalaya lamang ngayon dahil sa piyansa.

Ang mga magulang ni Daguinsin na sina Richard at Gigi, emosyonal nang malaman na nahuli na ang suspek na pumatay sa nag-iisa nilang anak na babae.

"Walang kuwentang tao yung umagaw sa buhay ng anak namin," saad ng ginang.

Ayon naman kay Richard, "Kahit buhay niya hindi sapat para mapagbayaran yung [ginawa niya]."

Sa kabila ng lungkot at pagdadalamhati, masaya sila na dininig ang kanilang dasal na mahuli na sana ang salarin bago man lang mailibing ang kanilang anak.

Hiling din ng ama ng biktima na dagdagan ng mga dormitoryo ang seguridad sa kanilang mga pasilidad dahil hindi umano sapat ang paglalagay lang ng CCTV camera.

Inihayag din ng pulisya na nakatulong ang paglalaan ng pabuya sa mabilis na pagkakadakip sa suspek, na kinasuhan ng reklamong robbery with homicide, at direct assault on a person in authority.--FRJ, GMA Integrated News