Arestado ang isang collecting officer matapos niyang ipang-casino umano ang halos P400,000 halaga ng pampasuweldo ng kaniyang mga katrabaho sa Cebu City.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang pag-aksyon ng mga tauhan ng Police Station 2 ng Cebu City sa sumbong na qualified theft laban sa 35-anyos na suspek at kanila itong dinakip.
Base sa salaysay ng nagreklamo, nagdispalko ang suspek ng daan-daang libong piso na pampasahod sa mga empleyado ng security agency na pinagtatrabahuhan nito.
Nagmula ang pera mula sa koleksiyon sa mga binabantayang kumpanya ng kanilang agency.
Pina-withdraw umano ang pera sa suspek sa bangko. Ngunit ang suspek, dumaan muna sa casino at nagsugal gamit ang halos P400,000 na pampasahod sa mga trabahante.
Kasalukuyang nakabilanggo sa Cebu City Police Station ang suspek, na nagsisisi sa nagawa. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News