Isang 27-anyos na lalaki ang nagtamo ng malalaking sugat sa likod matapos kagatin umano ng buwaya sa Panglima Sugala, Tawi-Tawi.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente sa Barangay Buan nitong Lunes.

Ayon sa kaniyang mga kaanak, nakaupo noon ang lalaki sa veranda ng kanilang bahay nang isang buwaya ang tumalon at kinagat siya.

Matapos nito, nahulog ang lalaki sa dagat.

“Nag-upo sila sa veranda tapos hindi nila namalayan na meron palang buwaya sa dagat. Tapos 'yung kinagat na siya, nahulog siya sa baba ng dagat,” saad ng pamilya ng lalaki.

“Sabi nila malaki daw kasi, kaya niyang tumalon mula sa dagat patungo sa open sala ng bahay ng biktima,” ayon naman sa MDRRM Officer na si Sarima Atara.

Nasa maayos nang kalagayan ang biktima matapos tahiin sa ospital ang mga tinamo niyang sugat.

Sinubukan pang hanapin ng mga residente ang buwaya ngunit bigo silang makita pa ito.

Ayon sa iba pang residente, pito na ang nakagat ng buwaya sa kanilang barangay.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, may infestation sa lugar dahil napakarami nang saltwater crocodile sa kanilang bayan.

Humingi na ang Barangay Buan ng tulong sa provincial government kaugnay ito. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News