Tatlong saksak sa tagiliran ang tinamo ng isang lalaki sa Cebu City habang naglalaro sa isang computer shop.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage sa loob ng computer shop sa Barangay San Nicolas, na nakaupo ang biktima nang dumating ang suspek mula sa likuran at pinagsasaksak ang lalaki.
Kaagad na tumakas ang suspek matapos ang krimen, pero naaresto rin kinalaunan.
Nadala naman sa ospital ang biktima at stable na ang lagay, ayon sa awtoridad.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dating nakulong ang suspek dahil sa ilegal na sugal, at napagkamalan nito ang biktima na nagturo sa kaniya sa mga awtoridad kaya siya nadakip.
“According to our source, hindi sila magkakilala. Napagkamalan lang siyang police asset,” ayon kay CCPO Director Police Colonel Enrico Figueroa.
Inamin naman ng suspek ang krimen at nagsisisi raw siya sa kaniyang ginawa.
“Humihingi ako ng tawad… Nabigla lang ako,” saad niya.
Mahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder. —FRJ, GMA Integrated News