Inabot ng dalawang oras ang ginawang pagsagip sa isang babaeng miyembro ng LGBT community na matusok ng bakal sa balikat matapos mahulog mula sa balkonahe ng bahay sa Talisay City, Cebu.Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, lumitaw na galing sa reunion at nakainom umano ang 35-anyos na biktima nang umuwi sa kanilang bahay sa Barangay Bulacao noong madaling-araw ng Linggo.Nagtungo umano ang biktima sa balkonahe na ginagawa pa at doon na siya nahulog na tinatayang may taas na 11 talampakan.Bumagsak ang biktima sa bahagi ng bahay ng kaniyang kapitbahay na ginagawa kaya may mga nakausling steel bar at doon natusok ang kaniyang balikat.Rumesponde sa naturang insidente ang mga tauhan ng Bulacao Lifecare Emergency Team (Bullet), Talisay City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), at Talisay City Bureau of Fire Protection (BFP).Matapos ang dalawang oras at gamitan ng hydraulic cutter ang bakal para maputol, mabilis na dinala sa ospital ang biktima.Wala namang nais sisihin at papanagutin ang pamilya ng biktima dahil kumbinsido sila na aksidente lang ang nangyari. -- FRJ, GMA Integrated News