Patay sa pamamaril ang tatlong miyembro ng pamilya sa kanilang tinitirhan sa Murcia, Negros Occidental na nakita ang mga katawan nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas, kinilala ang mga biktima na sina Josephine Celayes, 60-anyos, mister niyang si Neldi, 59, at anak nilang si Jovi, 33.

Ayon sa pulisya, isang residente ang unang nakakita sa bangkay ni Jovi na nasa labas ng bahay sa Barangay Buenavista. Nakita nasa labas din ng bahay ang bangkay ni Josephine, at nasa malapit sa balkonahe ang katawan ni Neldi.

ADVERTISEMENT

Pawang may tama ng baril ang mga biktima, ayon sa awtoridad. Dalawang uri umano ng basyo ng mga bala ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

“Ayon sa kaniya [nakakita sa biktima], kukuha sana siya ng tubig sa balon sa ilalim. Doon na niya nakita ang unang bangkay... ng anak,” sabi ni Police Major Sherwin Ferndez, hepe ng Murcia Municipal Police Station.

Nakatira si Jovi sa sarili nitong bahay malapit sa kaniyang mga magulang. Wala namang ibang kasama sa bahay ang mag-asawa.

Ayon sa ilang kaanak ng mga biktima, may nadinig silang mga putok noong gabi ng Huwebes. Pero hindi raw nila ito pinansin sa pag-aakalang karaniwang paputok lang.

Hinala ng pulisya, naghahanda ang mag-asawa para sa hapunan nang dumating ang mga salarin. Posibleng kilala rin umano ng mga biktima ang mga salarin.

“Posibleng kakilala nila ang perpetrator. Walang sigaw na narinig. Sa nakikita natin, binaril ang tatay, tumakbo. Tapos, ang anak, 'yon ang witness, sinundan sa ilalim,”  ani Fernandez.

Away sa lupa ang isa sa mga tinitingnan ng mga awtoridad bilang motibo sa krimen.
Hustisya ang panawagan ng isa pang anak ng mag-asawa na wala sa bahay nila nang mangyari ang krimen. - FRJ, GMA Integrated News