Nadatnang naaagnas na ang isang 17-anyos na ina at kaniyang anak na sanggol matapos silang imasaker ng live-in partner ng babaeng biktima dahil sa selos umano sa Malita, Davao Occidental.

Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing natagpuan ang wala nang buhay na ina at kaniyang anim na buwang gulang na sanggol sa kanilang bahay sa Barangay Talogoy.

ADVERTISEMENT

Nagtamo sila ng mga saksak sa leeg at iba pang parte ng katawan.

Batay sa tantiya ng pulisya, dalawa hanggang tatlong araw nang patay ang mga biktima nang matagpuan umaga ng Huwebes.

Suspek sa pananaksak ang live-in partner ng babaeng bitima, na siyang ama ng sanggol.

“Last April 15, pinapatawag na po sila sa barangay kasi involving domestic violence. Palagi na po kasi silang nag-aaway. May incident na po na kailangan na pong mag-intervene ang barangay dahil palagi silang nagtatalo,” sabi ni Police Captain Joselito Cortes, spokesperson ng Davao Occidental Police Provincial Office.

Patuloy ang paghahanap sa suspek, samantalang sinusubukan pa ng GMA Regional TV na kunan ng panig ang mga kaanak ng mga biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News