Arestado ang isang lalaki matapos niyang tutukan ng patalim ang isang babaeng staff ng laundry shop at gawing “human shield” mula sa humahabol umano sa kaniya sa San Fernando, Pampanga.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na bigla na lamang pumasok ang lalaki sa establisyimento bago hinawakan ang biktima at tinutukan ng patalim.
Idinahilan ng lalaki na may humahabol umano sa kaniya kaya niya ginamit bilang proteksyon ang babae.
Agad namang rumesponde ang pulisya at pinakiusapan ang lalaki na sumuko nang mapayapa.
Matapos na arestuhin, pinalaya rin ng awtoridad ang lalaki dahil hindi na nagsampa ng reklamo laban sa kaniya ang babae.
Sinabi ng pulisya na itu-turn over ang lalaki sa social welfare department dahil wala na siyang pamilyang mauuwian matapos makalaya sa kulungan kamakailan.
Hindi nagbigay ng pahayag ang lalaki tungkol sa pagsugod niya sa babaeng empleyado.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
