Naantala ang cesarean operation ng isang babae sa Koronadal, South Cotabato matapos yumanig ang magnitude 7.8 na lindol nitong Lunes. Ligtas naman ang buntis na nailabas mula sa operating room.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang video ni Maria Kaycee Cassandra Watson na sasailalim sana sa cesarean section sa Dr. Arturo P. Pingoy Medical Center.
Nasa operating room na si Kaycee at ilang minuto na lang bago ang operasyon nang biglang lumindol.
Sa kabutihang palad, kasama ni Kaycee ang asawang si Allan Abao na agad nagpunta sa loob ng ospital.
Ang mag-asawa ang nagpasiyang magsilang na si Kaycee bago sumampa si Allan sa barko.
“Dumiretso na ako sa OR. Kahit bawal, dumiretso na ako, pumunta ako sa kaniya para kunin siya,” sabi ni Allan.
Habang lumindol, magkakahalo na ang naiisip na pangamba ni Kaycee.
“Sabi ko kung guguho ito, parang ayan na, mababagsakan na kami ng third floor. Tapos ‘yung mga tangke sa gilid ko, sa front ko, lahat ‘yun natutumba na silang lahat. Mga almost 20 minutes na lang mag-start na ‘yun na ooperahan ako. So buti hindi nangyari ‘yun na during ng operation,” ani Kaycee.
Malaki ang kanilang pasasalamat na hindi sila pinabayaan ng kanilang doktor at mga healthcare worker.
Na-reschedule sa Hunyo 10 ang kaniyang cesarean section.
Sinabi naman ng pamunuan ng ospital na “structurally safe” ang kanilang gusali pagkatapos ng pagsusuri.
Ligtas din ang lahat ng kanilang pasyente at mga tauhan. — Jamil Santos/VBL GMA News
