Patay ang isang apat na taong gulang na babae na bumibili ng school supplies matapos mang-araro ang isang MPV sa Antipolo, Rizal. Walo pa katao ang sugatan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa isang video ang pagkakagulo matapos humandusay at duguan ang ilang tao sa kahabaan ng Don Vicente Street, Peñafrancia, Linggo ng hapon.
Ilang saglit pa, isang duguang lola ang lumapit na umiiyak at kinarga ang isang apat na taong gulang na bata. Kabilang sila sa inararo ng isang MPV.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang bata kalaunan.
Mapanonood sa CCTV ang mabilis na pagdating ng MPV sa tabing kalsada. Hanggang sa tumilapon ang 56-anyos na lola at nagulungan, pati na rin ang kaniyang babaeng apo.
Nabundol pa ang ilang tao ng MPV, na dumire-diretso ng takbo.
Mahigit 100 metro ang itinakbo ng sasakyan bago ito sumalpok sa poste ng kuryente.
“Palusong po 'yung area eh. Nabangga niya 'yung tricycle. Nabangga rin 'yung isa pang motor. Sa pagbangga, doon na nadaanan 'yung pitong biktima na nasagasaan nitong sasakyan,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Mark Henry Garcia, Chief of Police ng Antipolo Police.
“Una po niya nabangga 'yung rider po, 'yung motorsiklo. Tapos sumunod po 'yung malapit na po sa gate ng church na lima po 'yung inabot niya doon na mga nabangga niya,” sabi ni Marissa Lonsame, BPSO team leader, Barangay Cupang.
Ayon kay Felicisima Norte, bumili lang sila ng school supplies ni Caroline, na excited nang magbalik-eskwela bilang kinder pupil.
“Iginapang ko siya para kunin kasi dumudugo nga. Wala na siyang hininga,” sabi ni Norte.
“Nagkaroon po ako ng maga sa paa at tapos natahi po ako sa ulo. Siya ang nag-iisa kong anak. Sa kaniya ako kumukuha ng lakas para sa araw-araw naming buhay. Sobrang hirap ng buhay namin. Hindi ko kaya,” sabi ni Jamaica Astada, ina ng batang nasawi.
“Bilang ama sobrang sakit po talaga. Excited po rin talaga siya pumasok po sa school. Binilhan ko rin po siya ng bag. Bale ayun na po 'yung regalo ko sa kaniya. Magbi-birthday na rin po kasi rin siya sa 23,” sabi ni Benedick Pascual, ama ng batang nasawi.
Ayon sa barangay, sumuko sa mga awtoridad ang 39-anyos na babaeng driver.
“Talagang dire-diretso po 'yung sasakyan niya na nawalan nga ng preno. Iyon ang sabi niya. Kaya mabilis din po talaga. Siya rin po mismo ang sumama. Kusa po siyang sumuko,” sabi ni Gilberto Buboy Ferrer, kagawad ng Barangay Cupang.
Mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury, and damage to property ang driver, na nasa kustodiya na ng Antipolo Police.
“Hindi ko po alam 'yung gagawin, nawalan po ako ng preno. Talagang hindi na po talaga siya tumapak kahit na i-handbrake. Pasensya na po talaga kung naririnig niyo po ako, hindi ko po talaga sinasadya,” sabi ng babaeng suspek. —Jamil Santos/VBL GMA News
