Isang estudyanteng lalaki ang inaresto matapos magbanta na ipakakalat ang pribadong videos at larawan ng kaniyang ex-girlfriend na estudyante, na nagpasyang makipag-break na sa kaniya sa San Jose, Antique.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, sinabing dinakip ang suspek noong June 5 sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO)-6.
Nagkunwari ang biktima na pumayag na makipagkita sa suspek kung saan isinagawa ang pag-aresto sa lalaki.
Ayon sa pulisya, nagbanta ang suspek na ipakakalat ang mga pribadong video at larawan ng babae mula nang makipaghiwalay ito sa kaniya.
“Kasi itong victim gustong makipag-break na pero ang suspek ayaw, so gin-threaten niya ang victim na ikakalat yung mga explicit videos and photos kung makikipag-break siya. Nahuli po ang suspek and na-filan ng kaso,” ayon kay Colonel Richard Habawel, hepe ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU)-6.
Paalala rin ni Habawel sa iba, “Let your intimate moments be a secret between you and your partner.””
Ngunit mas makabubuti umano, ayon sa pulisya na huwag nang kuhanan ng video o larawan ang kanilang pribadong sandal.—FRJ GMA News
