Bawat araw, umaabot umano sa 300 hanggang 700 katao ang humihingi ng tulong pinansiyal sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pamamagitan ng Individual Medical Assistance Program (IMAP) para sa mga maysakit. 

Kaya naman marami ang nangamba nang inanunsyo kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang ipatitigil ang number games ng ahensiya dahil umano sa isyung katiwalian.

Malaking bahagi kasi ng kinikita sa mga palaro ng PCSO tulad ng lotto draws ay napupunta sa IMAP. Ang naturang pondo naman ang ginagamit upang may maibigay na pinansiyal na tulong sa mga taong lumalapit sa kanila.

Katunayan kada taon, hindi raw bababa sa kalahating milyong tao ang nakatatanggap sa kanila ng tulong pinansiyal. At nitong 2018, umabot daw sa mahigit P8 bilyon ang pondo nagamit ng IMAP.

Bagaman hindi naman tumigil sa pagkakaloob ng tulong ang IMAP kahit sa panahon na tigil ang number games ng PCSO, sinabi ng isang opisyal ng Charity Assistance Department ng PCSO, na inaasahan ngayon taon ay isasara na ang IMAP.

Alamin sa video na ito ng "Pinoy MD" ang dahilan at kung saan na lalapit ang mga taong may karamdaman na mangangailangan ng tulong pinansiyal. Panoorin.


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News