Dahil sa stigma o takot ng mga tao sa isang psychiatric hospital, kaunti pa rin ang mga doktor o attendant na nag-a-apply sa pasilidad para magtrabaho.  Gayunpaman, nagtagal ang isang nursing attendant sa National Center for Mental Health ng 18 taon, at dito na niya balak magretiro.

Sa programang "Front Row," kilalanin ang 48-anyos na si Analisa Bague, isang Nursing Attendant II na pumasok sa NCMH noong Pebrero 12, 2001.

Nakapagtapos siya ng midwifery ngunit hindi na nakapag-board exam. Inaalagaan niya ngayon ang mga matatandang may kapansanan sa pag-iisip sa geriatric ward.

Mayroong asawa si Bague pero wala siyang anak. Ayaw aniya ng kaniyang asawa na umalis siya sa trabaho dahil dadalawa na lang silang magkasama.

May mga karanasan na si Bague kung saan may mga nagwawalang pasyente. Pero ayon sa kaniya, nakukuha naman sila sa pagkiusap at binibigyan sila ng gamot para sila'y kumalma.

"Ang pagkakaalam ko, once na nagtrabaho ka dito sa mental [hospital], nakakatakot, puwede kang saktan. Noong nandito na ako sa loob na, okay naman po pala sila," sabi ni Bague.

Sa kaniyang 18 taong pagtatrabaho, hindi pa siya nasasaktan ng pasyente.

Kabilang sa kaniyang mga ginagawa ay ang paglilinis ng geriatric bed na gawa sa kahoy, kung saan doon na minsan dumudumi at umiihi ang mga pasyente.

Hindi aniya itinuturing ng mga nursing attendant tulad ni Bague na kaiba ang mga pasyenteng may mga kapansanan sa pag-iisip na kanilang inaalagaan.

"Sa tingin ko, magtatrabaho ako dito sa National Center for Mental Health hanggang 65 years old ako... 'Yung 17 years ko pa na hihintayin para mag-retire ako kakayanin ko pa, kasi halos nakatagal na nga ako ng 18 years eh," ani Bague.

Panoorin ang ginawang pagtutok ng Front Row.

—Jamil Santos/LDF/FRJ, GMA News