Click here for more GMA Public Affairs videos:
 

"Dapat ang pasensiya mo sa pasyente, hanggang langit." Ito ang pahayag ni Emelinda Cunanan, na 25 taon nang nursing attendant sa National Center for Mental Health. Alamin kung bakit.

Maduraan, masabunutan at mahubaran ng pasyente-- ilan lamang 'yan sa mga hindi magandang nararanasan ng isang nursing attendant na pagtatrabaho sa isang mental health institution. Sa kabila nito, nanaig pa rin ang malasakit niya sa mga pasyente at proud pa rin siya sa kaniyang trabaho.

Sa programang "Front Row," kilalanin si Emelinda Cunanan, na 25 taon nang Nursing Attendant II sa National Center for Mental Health.

Pumasok siya bilang janitress noong 1992 at walang background ng pagiging isang nursing attendant.  Ngunit sa paglipas ng panahon, natuto siya dahil nakikita niya ang ginagawa ng mga ito.

Nag-aral si Cunanan ng hanggang second year sa kolehiyo sa kursong Psychology, pero hindi nakapagtapos dahil siya'y nabuntis.

Para kay Cunanan, dapat ay "hanggang langit" ang haba ng pasensya sa pasyente lalo't ang ilan sa kanila ay mga makukulit, pasaway at magugulo.

"Kahit na ano po ang kulit ng pasyente, kahit na ano pong pasaway nila, hindi namin sila inaano kasi po mahal po namin sila. Kung wala pong pasyente, wala po kami dito," saad ni Cunanan.

Naisip na rin noon ni Cunanan na umalis na lang at mag-abroad, pero nanatili siya sa mental health institution para na rin sa kapakanan ng kaniyang anak.

"Ang pinaka-worst na experience ko, naduraan ako ng pasyente, nasabunutan po ako at nahablutan po ako ng damit. Minumura po ako tapos ibang pangalan po ang tinatawag sa akin," kuwento ni Cunanan.

"Kung sa mahirap po, mahirap po. Ang iniisip na lang po namin, kung wala ang pasyente, wala po ako, kaya kailangan ko pong magtrabaho nang mahusay," dagdag niya.

Nang tumagal ay napamamahal na rin ang mga nursing attendant sa kanilang mga pasyente, ayon kay Cunanan. Katunayan, ang kanilang "motherly instinct" ang kanilang pinaiiral sa mga pasyente.

Dahil sa kaniyang trabaho ay napag-aral ni Cunanan ang 20-anyos niyang anak.

Kasiyahan aniya ni Cunanan at ng iba pang nursing attendant ang paggaling ng pasyente.

"Hindi naman sila nakakatakot eh. Hindi rin sila nakakahawa. Dapat ka ko, 'yung mabuti sa pasyente, na kailangan ay tratuhin natin na isa natin silang kamag-anak," anang nursing attendant.

Pagdating ng kaniyang ika-62 na kaarawan, 30 years in service na si Cunanan at doon na siya magreretiro.

"Proud na proud po ako na ginugol ko ang buhay ko rito. I love my work. Nagtatrabaho po ako sa mental hangga't malakas po ako," saad niya.

Tunghayan ang kaniyang kuwento sa video na nasa itaas. -- FRJ, GMA News