Dahil sa sobrang hilig sa mga instant at fastfood na dulot ng "fast mode" niyang lifestyle, siningil si Melinda Aquino ng kaniyang kalusugan nang maging obese at ma-diagnose pa ng fatty liver disease. Pero ang dating 200 pounds, 140 pounds na ngayon at nakakasali pa sa mga marathon. Paano niya ito nagawa? Panoorin.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Aquino na naging working student siya para makapagpatapos ng pag-aaral ang sarili. Bukod sa student assistant siya sa school, nagtrabaho rin siya sa fastfood kaya mga oily at fatty food ang kaniyang mga kinakain.

Nang mag-asawa si Aquino noong 2010, naging paperworks na ang kaniyang trabaho at halos na wala na  siyang physical activities.

Hanggang sa nasanay na si Aquino sa mga unhealthy food kung saan tsitsirya ang kaniyang meryenda at chocolates ang kaniyang dessert.

Kung paanong naging mabilis ang takbo ng kaniyang buhay, ganoon din kabilis ang kaniyang pagtaba. Umabot ang timbang niya sa 200 pounds, na obese para sa kaniyang height na 5'7.

Kasunod nito ay naramdaman niya na mabilis na siyang hingalin, at may oras na hinihingal siya kahit pa nagsasalita lang.

Taong 2015 nang ma-diagnose siya na may fatty liver. Sinubukan niyang i-shortcut ang pagpapayat gamit ang iba't ibang slimming products, pero hindi ito naging epektibo.

Mula sa kaniyang sitwasyon, naging seryoso si Aquino sa kaniyang pagpapapayat noong 2017 nang sumali siya sa mga challenge. Ngayon, nakakasali na si Aquino sa mga fun run.

Panoorin kung paano nabawas ni Aquino ang 60 pounds sa katawan sa kaniyang healthy diet at workout, na nagresulta rin ng pagkawala ng kaniyang fatty liver.--FRJ, GMA News