Mahilig ka rin bang magtago ng mga lumang bagay na magpapabalik ng mga alaala lalo na sa mga taong mahal mo sa buhay? Si Nanay Eden, nagmukha nang bodega ang bahay at halos hindi na sila makakilos dahil sa dami ng mga gamit na hirap na hirap siyang pakawalan.

Sa sobrang dami ng mga gamit, pinamamahayan na mga insekto ang bahay at hindi na rin maganda ang ikot ng hangin. Nagiging dahilan na rin ito ng pagsama ng loob ng kaniyang mga anak dahil nagtatalo sila kapag lilinisin ang mga itinuturing nilang "basura" pero "koleksyon" naman para sa ina.

Kabilang sa mga pinaka-iniingat-ingatang "koleksyon" ni Nanay Eden ay ang mga test paper, drawing, at iba pang ginawa ng kaniyang mga anak noong mga bata pa ang mga ito. Para sa kaniya, nagpapasaya ito ng kaniyang kalooban tuwing kaniyang nakikita.

Alamin sa video na ito ng "Reel Time" kung anong uri ng "disorder" ang nararanasan ni Nanay Eden, ayon sa isang ekseperto. At makumbinsi kaya siyang pakawalan ang mga pinakainiingat-ingatang gamit para sa kaniyang pamilya?

Sa lahat ng gamit ni Nanay Eden  ang mga test paper ng kanyang mga anak simula kinder ang kaniyang pinakamamahal na "koleksyon."  Kaya ngayong kailangan na niya itong pakawalan, hindi niya mapigilan ang maluha.

Dahan-dahan nang naintindihan ni Nanay Eden ang kahalagahan ng pagpapakawala sa mga lumang gamit. Dahil dito, matagumpay nang nalinis ang kanyang bahay.  Masdan ang home makeover ng kanilang tahanan na before and after.


 

Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News