Dahil sa kahirapan ng buhay, walang pambili ng nebulizer ang mga magulang ng walong-taong-gulang na si Lee ng Leyte. Kaya kapag inatake siya ng asthma, ang pambomba ng gulong ang ginagamit niyang pampausok ng lumang nebulizer—na ayon sa doktor ay hindi ligtas na gamitin.

Karaniwang ginagamitan ng kuryente ang nebulizer, na nilalagyan ng gamot na ginagawang usok upang langhapin ng taong may asthma. Pero bukod sa malayo sila sa ospital, nasira na ang dating nebulizer ni Lee kaya umisip na lang ng paraan ang kaniyang ama upang mapaginhawa ang nararamdaman ng anak kapag sinumpong ng sakit.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may gumamit ng bomba ng gulong bilang pagmpausok sa nebulizer.

"FRONT ROW': Pamilyang hirap sa buhay, pambomba ng gulong ang 'nebulizer' para sa amang may asthma

Noong 2018, itinampok sa "Front Row" ang kuwento ng isang ama na hirap din sa paghinga ang gumagamit ng bomba ng gulang bilang pagpapausok ng lumang nebulizer. Ang kaniyang tagabomba, ang bata niyang anak.

Bagaman nakatutulong para guminhawa ang pakiramdam ng pasyente, ipinayo ng doktor sa kaso ni Lee na hindi ligtas na gamitin ang bomba dahil may kemikal itong nililikha.

Nag-viral sa social media kamakailan ang kaawa-awang kalagayan ni Lee at kaagad umanong may nagbigay ng bagong nebulizer sa bata.

Maliban sa nebulizer, nakatanggap si Lee ng iba pang biyaya tulad ng schollarship upang magpatuloy ang kaniyang pag-aaral sakabila ng kaniyang kalagayan.

Panoorin ang kaniyang kuwento sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News