Kilala ang mga Pinoy pagdating sa bayanihan lalo na kapag sa panahon ng sakuna o kalamidad. Nang pumutok ang Taal Volcano, muli itong ipinamalas ng mga Pinoy, hindi lang sa pagtulong sa mga tao kung hindi maging sa mga walang kalaban-laban na mga hayop.

Sa programang "Brigada," ipinakita ang pagsagip ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) sa mga naiwang hayop sa volcano island tulad ng mga kabayo, manok, aso at iba pa na nabalot ng makapal na abo.

Ikinuwento ni Junie Aguirre, PETA volunteer, na dumikit ang abo sa mga mata ng kabayo kaya naluluha ang mga hayop kapag kinakamot nila ito at nagsusugat.

Nang araw na nabalita na naiwanan sila sa isla, sinabi ni Aguirre na inuna lang talaga nilang sagipin ang mga hayop na kailangang-kailangang gamutin kaysa sa kanilang sariling buhay.

Matapos sagipin, itinawid ang mga hayop sa mga farm para sa rehabilitation.

Samantala sa San Juan, Batangas, ipinamalas naman ng dating tour guide sa isla ng Taal na si Ernie "Bitog" Buendia ang kaniyang malasakit nang patuluyin niya sa kaniyang lugar ang 36 pamilya o mahigit 90 katao.

Binata pa lamang nang maghanapbuhay si Bitog sa Taal, pero naapektuhan ang kaniyang business sa pagsabog ng bulkan.

Sa pagtutok ng "Brigada" sa lugar nina Bitog, nakita pa ang ilang mga residenteng tumulong sa mga evacuees, na nagbigay ng mga damit at pagkain.

Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News