Parang action star ang dating ni Reverend Father Rolly Buasen habang sakay ng kabayo. Pero may dahilan kung bakit kabayo ang gamit niyang transportasyon sa pagpunta sa mga lugar na kaniyang pagmimisahan sa Itogon, Benguet.

Sa kabila ng panganib dulot ng mababato at makikitid na daan, tinatahak pa rin ni Father Rolly ang kabundukan ng Itogon sakay ang kabayo para makapagmisa sa mga chapel sa lugar.

Sa programang "Front Row," ikinuwento ni Father Rolly na kasalukuyan siyang nakadestino sa simbahan ng St. Charles Borromeo Church sa Barangay Poblacion, Itogon.

Hindi na raw nahirapang makisama si Father Rolly dahil isa rin siyang Ibaloi at Kankanaey, na katutubong Benguet. 

Pagkatapos niyang magmisa sa Poblacion, kailangan namang puntahan ni Father Rolly ang mga baryo para rin makapagmisa. Dahil sa layo, gumagamit siya ng sasakyan pero kapag hindi na kaya ang daanan, kabayo na ang kaniyang ginagamit.

Ayon kay Father Rolly, may kakaibang pakiramdam ang pagsakay sa kabayo, lalo kung aakyat ng bundok. Bukod sa magandang hobby ito, na-appreciate niya rin ang koneksyon niya sa kabayo at nagkakaroon din siya ng therapeutic na pakiramdam.

Sinabi ni Father Rolly na gusto nilang ibalik ang kultura sa Benguet na pagsakay ng mga kabataan sa kabayo.

Panoorin ang buhay ng kabalyerong pari ng Itogon sa video na ito ng "Front Row."-- FRJ, GMA News