Sa programang "Sumbungan ng Bayan," inilapit ng ginang na si Louise ang biglang pagkawala ng kaniyang mister at dala ang panganay nilang anak na si John Cedrick. Ang hinala niya, may kinalaman ang naging hidwalaan nila ng kaniyang biyenan na nag-ugat sa panghihimasok daw sa kanilang buhay mag-asawa.

Ayon kay Louise, May 2018 nang biglang umalis ng kanilang bahay ang kaniyang mister kasama ang kanilang anak na isang taong-gulang lang noon para umano pumunta sa bahay ng kaniyang biyenan.

Maayos naman daw ang kanilang relasyon noong na mag-asawa, bagaman nagbago raw ang pag-uugali ng kaniyang mister nang makahidwaan niya ang kaniyang biyenan.

Nang araw na umalis ang kaniyang mister, nasa seminar daw si Louise at nang umuwi siya ay tanging ang bunso na nilang anak ang inabutan niya sa bahay.

Dahil sa akalang uuwi rin ang kaniyang mag-ama, hinayaan niyang lumipas ang magdamag. Pero nang hindi sila umuwi, tinawagan daw niya ang kaniyang mister, maging ang kaniyang biyenan pero walang sumasagot sa telepono.

At nang puntahan niya ang bahay ng kaniyang biyenan, sinabi umano sa kaniya ng isang kaanak na nagpunta sa Maynila ang kaniyang mag-ama, habang nagpunta naman daw sa Davao ang kaniyang biyenan.

Mula noon, hindi na raw niya nakita ang kaniyang anak na tatlong taong gulang na ngayon. Malakas ang hinala ni Louise na sadyang itinatago lang sa kaniya ang anak dahil sinasabihan umano siya ng mga kaanak ng lalaki na huwag mag-alala at nasa mabuting kalagayan ang kaniyang anak.

Pero bilang isang ina, nais ni Louise na mabawi ang kaniyang anak.

May pag-asa pa kaya si Louise na makuha ang kaniyang anak, at maaari kaya niyang kasuhan ang kaniyang asawa, biyenan at maging ang mga kaanak na hinihinala niyang nakikipagsabwatan  para itago sa kaniya ang kaniyang anak?

Alamin ang payo ni Atty. Pen Cascolan kay Louise at kung ano ang mga kasong maaari niyang isampa tungkol sa usaping ito ng kaniyang anak. Panoorin ang video.

Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News