Ngayong ipinapatupad ng gobyerno ang enhanced community quarantine sa buong Luzon para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, marami ang posibleng maging balisa, bugnutin at nakararanas ng hindi maipaliwanag na lungkot dahil sa pananatili sa loob ng bahay. Ano nga ba ang "cabin fever" at paano ito maiiwasan?

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinaliwanag ng psychologist na si Dr. Ali Gui, na isang temporary disorder ang cabin fever na nararanasan ng mga taong nakukulong sa isang lugar nang matagal na panahon.

Isa sa mga nakaranas nito si Betong Sumaya noong sumali siya sa reality show na "Survivor," at maaaring nararanasan din ng marami dahil sa home quarantine.

Ipinaliwanag ni Dr. Gui, na mas sanay ang mga banyaga sa pagkakatengga sa bahay lalo kung mataas ang snow sa kanilang lugar. Iba ito sa ugali ng mga Pinoy na kahit harangan ng bagyo o baha, sumusugod pa rin sa mall.

"Actually, ang mga tao sanay sa labas 'di ba? Tayo konting buga lang, labas na tayo. Iba kasi ang behavior nating mga Pilipino, iba ang kultura natin versus mga banyaga nating mga kapatid," sabi ni Dr. Gui.

May mga paraan daw na puwedeng gawin para maibsan ang sintomas ng cabin fever.

Una, uminom ng vitamins dahil kailangang malusog ang katawan para maging malusog din ang pag-iisip. Maiiwasan din ng vitamins ang imbalance sa katawan.

Pangalawa, magpaaraw dahil nagbibigay ng happy hormones ang sinag ng araw at malaking tulong ito laban sa depresyon.

Pangatlo, mag-ehersisyo at iwasan ang pagiging "couch potato."

Si Kapuso hunk Derek Ramsay, gumawa ng routine araw-araw sa loob ng kanilang tahanan.

"I'm keeping myself active. My brother and I have taken on this 14-day challenge to just everyday dedicate at least half an hour of our lives to working out. Kapag na-house arrest na tayo nang ganito and ang gawin mo is to sit down and watch TV all day, ibang sakit naman ang darating sa 'yo," sabi ni Derek.

Pang-apat, paganahin ang utak sa pamamagitan ng pagbabasa o pag-aaral ng mga bagong kaalaman.

Pang-lima, limitahan din ang intake ng carbohydrates at matatamis dahil walang masyadong aktibidad kapag nasa bahay lang at baka tumaas ang sugar sa katawan.

"Don't keep on eating and doing nothing because it will cause your blood sugar to be imbalanced and when your blood sugar is imbalanced, magiging irritable ka at makakalimutin," paliwanag ni Dr. Gui.

Importante ring makipag-usap na may kaharap kahit sa paraan ng video call. Mas mabuti raw ito kaysa texting para mapagana ang talking motor ng utak.

"I wake up early, and then gather myself, have breakfast. I talk to my son, I talk to my brother, I talk to my help, making sure everybody's fine," sabi ni Derek.

Higit sa lahat, ano man ang paniniwala o relihiyon, magdasal.--FRJ, GMA News