Isang tricycle driver na nag-volunteer na bumili ng mga pangangailangan ng kaniyang mga ka-barangay ang dinakip matapos umano niyang labagin ang ipinatutupad na home quarantine nang lumabas siya ng bahay sa Romblon.
ALAMIN: Quarantine Pass, limitado nga lang ba sa kaniyang barangay ang bisa?
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ikinulong ng 12 oras si Norris Rance, taga-Barangay Gutivan sa Cajidiocan, noong Marso 21.
Si Rance ang pinakiusapang mamili ng kaniyang mga kapitbahay para sa kanila.
"'Yung barangay secretary po namin ay nakiusap po sa akin, nakisuyo na magpabili po ng vitamins sa bayan kasi doon lang po ang may botika sa amin. At saka 'yung isang kapitbahay ko rin po ay nakisuyo rin po sa akin na dalhin 'yung bigas doon sa pamilya niya sa may Barangay Sugod, dadaanan po 'yun papunta sa bayan," kuwento ni Rance.
"Paglabas ko po ng bahay namin sa crossing, may nakisuyo rin po sa akin na makisakay, isang pasahero na bibili ng gamot ng kaniyang lola," patuloy niya.
May dala naman daw siyang home quarantine pass pati ang nakisakay na kasama.
"Okay pa naman po sa amin na magbiyahe noon kasi zero cases po kami ng COVID-19 pero nag-iingat pa rin po kami," ayon kay Rance.
Nakabalik na ng bahay si Rance nang mag-abiso si Bgy. Captain Lucy Quintero na bawal nang bumiyahe ang mga tricycle driver sa kanilang lugar sa pag-iingat sa COVID-19.
"Nagulat na lang po ako noong pagdating ko sa bahay, nakasunod po ang barangay captain namin at saka may isang pulis po. Pilit po nila akong kinukuha at dinadala sa presinto. Tinanong po nila ako noong bakit namasada ako.
'Arestuhin 'yan, dalhin 'yan,'" saad ni Rance na sabi ng opisyal, at wala na raw siyang nagawa kung hindi sumama.
"Pagkatapos po noon, kinasuhan po nila ako ng disobedience. Nakulong po ako ng 12 hours," dagdag ni Rance.
Sinabi ng isang abogado, walang basehan ang pag-aresto kay Rance.
"Mali po 'yung naging pag-aresto sa kaniya dahil wala naman po siyang nalabag. Una, may sapat siyang dahilan na lumabas sa kaniyang tahanan, kumpleto po siya ng ID at meron siyang pass na hinihingi ng batas sa panahon nitong ECQ," sabi ni Atty. Mario Maderazo, volunteer lawyer.
"Hindi rin oras ng curfew noong siya ay lumabas para bumili ng mga pinakikiusap sa kaniya ng kaniyang mga kabarangay at sa katotohanan siya ay tumutulong pa sa kaniyang mga kabarangay," dagdag niya.
Hindi rin daw maituturing na warrantless arrest ang nangyari dahil nakauwi na si Rance noong pinuntahan siya ng kapitan at ng pulis, ayon pa kay Atty. Maderazo.
"Dito may lapse of time na kung kaya ang warrantless arrest po ay hindi valid," sabi ni Atty. Maderazo.
Posibleng maharap sa patung-patong na kaso ang umarestong si Quintero at ang pulis.
Ayon sa Revised Penal Code, puwedeng ikaso ang artbitrary detention sa mga public officer o employee na kinulong ang isang tao nang walang legal grounds o batayan. Maaari rin daw magsampa ng administrative case ang biktima ng abuse of authority.
Maaari din silang humarap sa civil case o humarap sa paghingi ng danyos perhuwisyo.
"Ang home quarantine ay dito lang within the area ng barangay pero patuloy siyang nagbi-biyahe. Hindi po ba paglabag iyon?" depensa ni Quintero.
Nang ipaliwanag ng "Sumbungan ng Bayan" na excempted ang bibili ng mga essentials, tumugon si Quintero: "Isang beses lang po. Pero paulit ulit niya pong ginagawa. Bahala na po, sa korte na lang kami mag-usap."
Samantala, ipinaabot din sa Sumbungan ng Bayan ang reklamo ng mga hindi pa nakatatanggap ng food packs mula sa lokal na pamahalaan. Karamihan sa mga reklamong ito ay galing sa National Capital Region.
Nagpaliwanag si Undersecretary Jonathan Malaya ng DILG tungkol dito.
"'Yung proseso pong iyon na house to house, iyon po 'yung medyo nakapagpapatagal sa distribution ngunit wala po tayong problema sa food packs. Matagal po kasi kung minsan din ang pag-impake niyan," sabi ni Malaya.
Nagpayo pa ang DILG sa mga hindi pa nakatatanggap ng food packs na puntahan ang barangay at magreklamo. Kung hindi nila ito aaksyunan, maaari silang dumulog sa DILG.-- FRJ, GMA News