Sa "Sumbungan ng Bayan," tinalakay ang mga paraan kung paano aalagaan ang mga sanggol ngayong may banta ng COVID-19, at ano ang dapat gawin kung sakaling maging Person Under Monitoring (PUM) si nanay, o pinaghihinalaang taglay niya ang virus.

Ayon kay Dr. Donna Isabel Capili, Pediatrician/Maternal and Child Health Consultant, dapat hayaan ang nanay na mag-alaga sa sanggol, samantalang ang mga miyembro naman ng pamilya ang mag-aalaga kay nanay at sasagutin ang kaniyang mga pangangailangan.

Ito ay para mabawasan ang mga humahawak sa sanggol, at para maisagawa nang maayos ang breastfeeding.

Kaiba sa pangamba ng ilan, puwede pa ring magpasuso ang nanay kahit siya ay may ubo at sipon, pero importante na sundin niya ang respiratory hygiene, na pagsusuot ng face mask at pag-practice ng cough etiquette.

Dagdag ni Dr. Capili, hindi dumadaloy ang coronavirus sa breastmilk ng nanay.

Kaya naman kung naging PUM ang nanay sa COVID-19, maaari pa ring ipagpatuloy ang breastfeeding pero siguruhin niyang isagawa ang tamang handwashing at hand hygiene.

Panoorin sa video ang buong talakayan. --FRJ, GMA News