Ikinuwento ng COVID-19 survivor na si Dr. Jose Antonio Bautista ang naging karanasan niya nang magpositibo sa nakamamatay na virus. Pero bakit kaya nag-negative muna ang test result niya sa virus na naging dahilan para hindi kaagad siya na-admit sa ospital?

Sa "Sumbungan ng Bayan," sinabi ni Bautista, Adult Cardiology Fellow ng St. Luke's Medical Center-Global City, na posibleng nakuha niya ang virus sa isang pasyente na hindi nila alam na may sintomas na pala ng COVID-19.

At kahit naka-full protective gear siya bilang frontliner, nakalusot pa rin daw ang virus.

Hanggang sa makaranas na siya ng lagnat, joint pains, lower back pain at chills. Pero nang magpa-COVID-19 test siya, lumabas na negatibo ang resulta.

Paliwanag ni Dr. Bautista, maaaring nagka-technical error o hindi pa ganoon kataas ang kaniyang "viral load" para ma-detect ng testing kit ang virus.

Kaya naman pinauwi siya at pinayuhang mag-self quarantine na kaniyang ginawa. Pero lalo pang tumaas ang kaniyang lagnat kahit pa uminom siya ng mga paracetamol, at lumala pa ang mga sintomas ng sakit.

Kaya muli siyang nagpa-re-examine at nagpa-re-admit kung saan nagpositibo na siya sa virus sa panibagong test.

Kasalukuyang patuloy na nagpapagaling si Dr. Bautista, na handa raw na sumabak muli sa laban kontra COVID-19.

Tunghayan ang buo niyang kuwento sa video sa itaas. --Jamil Santos/FRJ, GMA News