Dahil sa COVID-19 pandemic, maraming engaged couples ang nalungkot na posibleng hindi na matuloy ang kanilang kasal ngayong taon. Ano nga ba ang mga maaaring gawin ng magkasintahan sa ganitong sitwasyon na ipinatutupad ang social distancing at pagsusuot ng face masks?

Sa ulat ni Izzy Lee sa Stand For Truth, ipinayo ng wedding planner na si Jo-Anne Co na maging praktikal at realistic muna ang couples tungkol sa kanilang kasal.

"Puwede namang i-postpone o i-move to a later date na kung safe na, hindi naman sa no choice na tayo eh. Puwede naman natin gawin munang civil wedding o mga small intimate ceremonies," sabi ni Co.

"Most of the social events, through virtual meetings na lang siya. Probably next year, doon na lang natin gawin talaga 'yung celebration, kung possible na," ayon pa kay Co.

Nakatakda sana noong Abril 6 ang pag-iisang dibdib nina Natz at Meki sa Marikina, na pinlano na nila Enero pa lamang. Pero Marso nang ipatupad na ang Luzon-wide enhanced community quarantine.

"Ako, malungkot. Siyempre as bride meron kang ideal, dream wedding ka na bongga. Ine-expect namin dadating 'yung family niya, first time kong mami-meet sana 'yung mga kapatid niya," kuwento ni Meki.

"Kaya medyo mas masakit eh, kasi [sinubukan] namin lahat ng puwede naming gawin sa three months," dagdag pa ni Meki.

Itinuloy pa rin nina Natz at Meki ang kanilang kasal noong Abril 6, pero malayo ito sa lahat ng kanilang naplano dahil iilan lang ang imbitado, mga naka-mask at magkakalayo ang upuan.

"Nakita ko, na-weird-an ako kasi ano ba 'to, parang hindi wedding," sabi ni Meki.

At sa halip na catering, sa fastfood sila nag-order para sa reception.

Sina Ross at Charlene naman, dalawang taon nang pinagplanuhan ang kanilang kasal.

"Noong una naghahalo-halo 'yung emosyon namin, in denial pa kami, 'Sige matutuloy pa 'to, ipaglaban pa natin ito nang konti.' Hanggang sa nag-sink in na siya na ay, hindi na talaga puwede," sabi ni Charlene.

"Sobrang lungkot din pero at the same time iniisip din namin 'yung iba kasi medyo malaki na 'yung nalabas namin," ayon pa kay Charlene.

Tunghayan ang kanilang mga kuwento.

 

—Jamil Santos/LBG, GMA News