Nang ipatupad ang lockdown sa Boracay, naapektuhan ang mga music artist nang mawalan sila ng mga gig sa mga bar at restaurant. Kaya ang isang acoustic singer, gumawa ng paraan para makabangon at kumita ngayon sa kaniyang online busking at harana.

Sa GMA Public Affairs program na "Pera Paraan," ikinuwento ng acoustic singer na si Jason Plaza na bago mag-pandemic, kumikita siya ng P2,500-P3,000 kada gabi o humigit kumulang P100,000 kada buwan.

Pero dahil sa community quarantine, nawalan siya ng trabaho at umuwi na lang sa Capiz.

Dito, naisipan niyang mag-"live" sa Facebook at doon ipagpatuloy ang kaniyang pagkanta. Unti-unti namang dumami ang kaniyang viewers pati na rin ang mga gustong magbigay ng "tip."

Kada session, kumikita siya ng hanggang P10,000. Bukod dito, nag-alok na rin siya ng "online harana" kung saan babayaran siya ng P400 kada kanta.

Panoorin ang kakaiba niyang diskarte sa video na ito ng "Pera Paraan."--Jamil Santos/FRJ, GMA News