Dahil pumanaw na ang kanilang ama, ang tanging ina na lamang nina Joel na si Nanay Nena ang kanilang kasama. At sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanilang ilaw ng tahanan, nag-isip sila ng kakaibang paraan upang mapasaya ang kanilang ina kahit may pandemic.

Tuwing kaarawan daw kasi ng kanilang ina, madalas silang bumibiyahe kasama ang kanilang ama noong nabubuhay pa. Pero dahil may pandemic at hindi puwedeng mamasyal, kinausap ni Joel ang iba pa niyang kapatid kung papaano sosorpresahin ang kanilang ina.

Una nilang binalak na maglagay ng pera sa cake na kanilang ireregalo sa ina. Pero dahil wala silang nakuhang cake, naisipan nilang ilagay ang pera sa bunganga ng lechon na baboy.

Ang lahat ng kanilang ginagawa para sa kanilang ina ay pagsukli raw sa pagsisikap ng kanilang mga magulang na mabigyan sila ng magandang buhay ngayon.

"Kung alam mo lang ang pinanggalingan ng buhay namin alam mo 'yon, maa-appreciate namin lahat ng buhay namin ngayon," sabi ni Joel.

"Basta't hanggang nabubuhay sila, mahalin natin ang ating mga magulang," dagdag pa niya.

Ano naman kaya masasabi ni Nanay Nena sa pakulong sorpresa ng kaniyang mga anak? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

 

--FRJ, GMA News