Naging malaking pagsubok sa isang ginang ang pag-aalaga at pagpapalaki sa apat niyang anak na may special needs tulad ng Down syndrome at ADHD. Paano nga ba niya ito kinakaya lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic?

Sa "Tunay Na Buhay," ikinuwento ni Emely Alpa na sa kabila ng kondisyon ng mga anak niya, bawat isa sa kanila ay may kaniya-kaniyang gawain sa bahay.

Ang kuya na si Aedrian na may Down syndrome, nakatoka sa nagtitiklop ng damit. Samantalang sina Aeinah at Freidrich naman ang nag-aalaga ng bunsong may Down syndrome rin na si Genesis.

Si Cybastian naman na may Attention deficit hyperactivity disorder (ADHD) ang nagwawalis sa kanilang bahay.

Mas kailangan naman sa ngayon ng atensiyon ni Darla na mayroon ding Down syndrome.

"Nu'ng dumating si kuya, madali. Nu'ng dumating si Darla medyo mahirap kasi 'pag sa babae nagkakaroon ng period, may mga tantrums. Siyempre, mas tumaas 'yung difficulty niya," kuwento ni nanay Emely.

Kumakayod si Emely bilang isang empleyado sa call center at layout artist sa isang publishing company.

Pero dahil sa pandemya, nagsa-sideline muna siya bilang sekretarya sa rotary.

"Having them. Kasi lahat-lahat ng learnings sa buhay, lahat ng paghihirap, lahat ng struggles dahil meron kang mga special [na anak], 'yun din ang nagpatatag sa amin. Kasi hindi naman ibibigay sa atin ni God kung alam Niyang hindi mo kayang i-handle. For me kasi nu'ng binigay sa akin 'yan hindi ako nag-question, hindi ako nag-doubt sa Diyos."

Tunghayan ang kuwento ng pamilya Alpa sa video na ito ng "Tunay Na Buhay."-- FRJ, GMA News