Kasunod ng rekomendasyon ng Department of Health (DOH) sa publiko na mas mabuti ang maglakad at magbisikleta kontra sa COVID-19, sinubukan ni GMA News reporter Emil Sumangil kung gaano nga ba kaligtas ang naturang paraan ng pagbiyahe sa Metro Manila.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng DOH na magiging mahalaga ang paglalakad at pagbibisikleta na paraan ng transportasyon sa new normal.

Bukod dito, magpapalakas din daw ito ng immune system ng katawan.

Pero sa ginawang paglalakad at pagbibisikleta ni Sumangil sa ilang bahagi ng Metro Manila, nakita niya ang ilang problema sa biyahe tulad ng mga nakaharang sa mga daanan na para sa mga tao at bisikleta.

Gaya halimbawa ng ilang motorista na liliko sa kanan ng intersection na nagagalit pa kahit naka-green naman para tumawid ang mga tao.

"Ba't kayo bumubusina e naka-green kami," puna ni Sumangil sa isang UV driver.

Sa pagbibisikleta, peligroso ang mga lubak sa kalye at matutulin na sasakyan.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, naalis na ang mga sagabal sa mga bangketa sa EDSA na daanan ng mga naglalakad at mga naka-bike.

“We’re in support po sa ating mga siklista. In fact, naglagay nga po ng mga bike stations, mga repair stations sa iba’t ibang areas sa kahabaan ng EDSA. Halos po 90% ng mga sidewalks sa major thoroughfares ay friendly, wala pong obstruction,” pahayag ni MMDA spokesperson Celine Pialago.

“Ang hirap po kasi sa karamihan ng ating mga driver ay wala pong road courtesy. Hindi ho dahil tayo ay naka-four-wheel, tayo na ang may-ari ng kalsada. ‘Yong mga bike din naman po, hindi porket tayo ay naka-bike lamang, tayo naman po ay magpapasaway din. ‘Yong mga pedestrian din po dapat alert din,” dagdag pa niya. -FRJ, GMA News