Nag-viral kamakailan sa social media ang eksena sa isang tindahan na may isang babae na nagpapa-cash in ng P5,000 sa e-wallet pero wala naman siyang hawak na pera.

Sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," mapapanood na ayaw ng tindera na magpasok ng P5,000 sa e-wallet na sinasabi ng babae dahil sa paghihinala na isa itong modus o scam.

Paliwanag ng babae, nakatanggap siya ng text message na napili siyang mabigyan ng P350,000 na ayuda. Pero bago ipasok sa kaniya ang pera, kailangan niya munang magbigay o magpadala ng P5,000 sa e-wallet.

Iyon umano ang dahilan ng babae kaya siya nagtungo sa tindahan. Pero pag-amin niya, wala siyang dalang cash na P5,000 na ibabayad sa tindera kapag naipasok na ang naturang halaga sa e-wallet.

Dahil hindi pumayag ang tindera, umalis na lang ang babae. Habang ipinost naman ng tindera ang video sa social media para mabigyan ng babala ang ibang tao.

Gayunman, iginiit ng babae na hindi siya scammer at biktima rin lang siya ng scammer na nagpadala sa kaniyang text message. Sa buong video ng episode, ipinakita rin ang mga ipinadalang text message at calls ng umano'y scammer sa babae.

Humingi na rin ng paumanhin ang tindera sa babae, at nilinaw na nais lang niyang mabigyan ng babala ang ibang tao laban sa naturang uri ng modus sa pamamagitan ng cash-in.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (ACG) na nagkukumahog ngayon ang mga scammer na makapambiktima gamit ang cellphone phone dahil sa ipinatutupad na pagpaparehistro ng SIM card o Subscriber Identity Module (SIM) cards.

Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni ACG director Police Brigadier General Joel Doria, na batid umano ng mga scammer na madali na silang mahuhuli kapag lubos nang naipatupad ang SIM registration Act.

“Napapansin natin nagdo-double time din ang mga scammer considering na alam naman natin na doon sa registration natin ngayon is talagang minamadali na,” anang opisyal.

Sinabi naman ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na dapat i-record ng mga SIM card seller ang mga bibili nito at suriing mabuti ang ipakikitang ID.

Sinimulan ang pagpaparehistro ng mga SIM card nitong nakaraang Disyembre at magtatapos sa darating na Abril 26. — FRJ, GMA Integrated News