Itinuturing silang mga illegal vendor kaya kailangan nilang lumangoy ng isang kilometro sa dagat para makarating at makasampa sa barko sa isang pantalan sa Zamboanga City upang maibenta ang kanilang mga produkto.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita kung papaano tila nakikipagtaguan ang mga vendor sa mga tauhan ng Philippine Ports Authority (PPA) na nagtataboy sa kanila kapag nakitang lumalangoy sila patungo sa barko.

Kabilang sa mga vendor ang ginang na si Josephine, at ang pitong buwang buntis na si Sherwina.

“Kahit malaki ang tiyan ko. Magbebenta pa rin ako hanggang 9 months. Kapag manganganak na ako, paglipas ng pitong araw, babalik din ako dito,” saad niya.

Si Josephine, hindi napigilan na maging emosyonal sa paglalahad ng kanilang sitwasyon dahil tila kriminal ang turing sa kanila gayung nais lang naman nilang kumita para sa kani-kanilang pamilya.

“Lalangoy kami papuntang pier tapos aakyatin yung barko. Doon na rin maglalako,” ani Josephine. “Nakakatakot especially ‘pag malakas ang alon. Minsan madadala yung paninda mo, hahabulin mo.”

“Sanay na kami. Ito lang 'yung way na mabibigyan namin ng maayos na pagkain 'yung pamilya namin kahit pa delikado,” patuloy niya.

Pursigido si Josephine na kumita para matulungan sa gastusin sa bahay ang kaniyang mister na security guard. Mayroon silang mga anak, kabilang ang isang special child na may Down Syndrome.

Batid ni Josephine ang peligro sa kanilang hanap-buhay. Minsan na rin daw siyang tumalon mula sa rooftop ng barko para sagipin ang kaniyang kapatid na muntik nang malunod.

“Na-try ko na tumalon talaga sa rooftop ng barko kasi nakita ko 'yung kapatid ko na halos naghihingalo siya kasi high tide tapos walang tumulong sa kanya,” kuwento niya.

Sinubukan na raw ni Josephine ang ibang trabaho pero hindi raw sasapat ang nakukuha niyang sahod.

Sa pagiging illegal vendor sa barko, nakatikim na rin umano siya ng marahas na paraan nang pagpapaalis sa kaniya.

“'Yung araw-araw na kita, ‘yun ang habol namin. Sisikmurain mo lang talaga 'yung paglangoy. Doon ay mas nabibigay namin 'yung pangangailangan ng anak namin kasi araw-araw na meron,” patuloy niya.

“Sipagan mo lang, makakabenta ka talaga,” dagdag niya. “Kahit anong hirap ng buhay ay magbebenta kami diyan. Paluin man kami ng mga escort, habulin kami, hatakin kami.”

Sinubukan na rin daw ni Josephine na lumapit sa gobyerno para makapagtayo siya ng maliit na negosyo para wala pa umanong tugon.

“Nag-try na ako sa DOLE, baka meron sila nung negosyo cart. Hindi pa naman ako nabigyan. Sana makita nila 'yung sitwasyon namin. Hindi namin ginusto na maging mahirap,” sabi ni Josephine.

Idinulog ng "KMJS" team sa lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ang kalagayan nina Josephine upang mahanapan sila ng trabaho.

Samantala, itinanggi naman ng pamunuan ng PPA na marahas ang kanilang tauhan sa pagtataboy sa mga illegal vendor.

Pero wala pa silang ibang mapagkakakitaan, patuloy nilang susuungin ang alon ng dagat upang mabuhay.--FRJ, GMA Integrated News