Ano nga ba ang karapatan ng mga pasahero pagdating sa pag-iinspeksiyon ng Bureau of Customs (BOC), sa kanilang mga bagahe t maaari ba silang tumanggi kung tila walang magandang dahilan ang mga awtoridad?
Kamakailan ay iniulat na napilitang nang pumayag ang isang pasaherong OFW na mula sa Hong Kong na pabuksan-- kahit na sa paraan ng pagsira-- sa tauhan ng BOC ang dala niyang laruan sa Ninoy Aquino International Airport.
Hinihinala kasi ng BOC na may laman na kontrabando o ilegal na droga sa loob ng dala niyang laruan na eroplano. Pero nang masira ang laruan, walang anumang kahina-hinala na natagpuan sa loob nito.
BASAHIN: Laruang dala ng isang OFW, winasak sa NAIA dahil sa akalang may kontrabando
Sa Kapuso sa Batas segment ng GMA News "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na malawak ang saklaw na kapangyarihan ng BOC para sa mga papasok na tao at iba pang mga gamit sa ports of entry sa bansa tulad ng airport at iba pang pantalan.
Sa ilalim ng Republic Act 10863 o “An Act Modernizing the Customs and Tariff Code,” may police power na ibinibigay sa Customs, kasama na ang kapangyarihan na magsagawa ng search sa mga tao at bagahe na pumapasok mula sa ibang bansa.
Sinabi ni Concepcion na ang BOC ang “first and last line of defense” laban sa mga ilegal o ipinagbabawal na importasyon, tulad ng droga.
Pero hindi umano dapat abusado ang kapangyarihan ng Customs, at dapat mayroon itong dahilan o “reasonable cause” para magbukas at sumuri ng kahit na anong bagahe, envelope, container o kahon, at maging mga laruan.
Pangalawa, “non-intrusive” na pamamaraan ang dapat na gagamitin ng Customs sa kanilang pagsusuri. Pero bilang “general rule,” hindi dapat tumanggi ang publiko sa ganitong klase ng inspeksiyon, ayon kay Concepcion.
Sa insidente ng pasahero na nasira ang dalang gamit ngunit walang nakitang kontrabando, sinabi ni Concepcion na kung may “reasonable ground” para magsuspetsa ang Customs officer, maaari itong maging kaso ng “Damnum absque injuria” o “loss or damage without injury.”
“Kahit na may damage or loss sa isang tao, walang injury na maaaring ikaso sa ilalim ng batas dahil walang legal remedy for recovering that loss lalo kung may dahilan para magsuspetsa ang customs officer,” paliwanag ni Concepcion.
Bukod dito, wala nang ibang posibleng paraan para malaman ang katotohanan kundi sirain ang laruan.
Kaya kung mayroong reasonable cause o sapat na basehan talaga na suriin ang pasahero ang kaniyang bagahe, dapat na sumunod ang pasahero.
Binigyang-pansin ni Concepcion, na nagiging malikhain at maparaan na rin kasi ang mga sindikato na nais na magpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Ngunit kung nagkaroon umano ng abuse of authority o nangingikil ang nag-iinspeksiyon, sinabi ni Atty. Concepcion, na maaaring magsama ng reklamo ang pasahero.
Umaasa naman si Atty. Concepcion na sana ay maging moderno na rin ang mga kagamitan sa mga paliparan ng bansa na ginagamit sa pagsusuri sa mga bagahe at pasahero.
Panoorin sa video ang buong pagtalakay sa isyu.—FRJ, GMA Integrated News